MAHALAGANG PAHAYAG
1. Totoo ba ang sabi-sabi ng ang Embahada ng Pilipinas o sino man sa mga kawani nito ang nagpahinto sa pag-isyu ng “UN Visa” at nagpapahuli sa mga Pilipinong walang visa?
Hindi po totoo. Maituturing po na kuryente ang kwentong ito. Katungkulan po ng Embahada ng Pilipinas at lahat ng mga kawani nito na pangalagaan at protektahan ang manggagawang Pilipino sa ilalim ng ating batas na R.A. 8042 (Migrant Workers Act).
Kahit kailan po ay hindi po nagpunta sa Ministry of Interior, sa Immigration o sa sino mang awtoridad ng Israel ang mga kawani ng Embahada ng Pilipinas para humiling na itigil ang pagtanggap ng Israel sa prosesong ito.
2. Ano ba ang ginawa ng Embahada tungkol sa UN Visa?
Ang Embahada ay patuloy na tumutulong sa mga manggagawang Pilipino sa Israel, may papel man o wala. Kung nangangailangan kayo ng tulong ng Embahada maaari kayong tumawag sa aming hotline na 054-466-1188.
Noong nagsimula pa lamang ang mga Pilipinong aplikante ng “UN Visa,” inalam na kaagad ng Embahada ang tunay na anyo ng papel na ito at kung ano ang maidudulot nito sa mga kababayan nating walang papel. Ang nalaman namin ay hanggang tatlong buwan lang ang validity ng “UN Visa” at ang pagre-renew nito ay desisyon ng gobyerno ng Israel.
Nung malaman namin ito kaagad kaming naglabas ng pahayag sa publiko. Ang mga pahayag na ito makikita pa rin ninyo na nakapaskil sa labas at loob ng Embahada, pati na rin sa website namin na http://www.philembtelaviv.co.il.
3. Ano ang maipapayo ng Embahada sa mga Filipino community tungkol sa isyung ito?
Tulad ng payo namin sa mga nagtatanong noong January 2010 pa lamang, mag-ingat po at huwag pong maniwala kaagad sa mga sabi-sabi. Sa mga bagay po tulad nito, mabuti nang linawin ng diretso sa Ministry of Interior na siyang nag-iisyu ng papel na ito.
Mag-ingat din sa mga taong nangangako na makakatulong sila sa pagkuha ng “UN Visa” kapalit ng bayad. Nakakalungkot ngunit mayroong mga nangyaring ganito kaya't kaagad din kaming naglabas ng pahayag tungkol dito.
Tanging hangarin po ng Embahada ng Pilipinas na tayong mga Pilipino ay makapagtrabaho at mamuhay ng tahimik at mapayapa dito sa Israel kahit ano man ang estado nila. Ito po ang aming misyon tulad ng nakasaad po sa ating batas na R.A. 8042 o ang Migrant Workers Act (1995).
4. Ano ba talaga ang sinasabing “UN Visa”?
Ang sa pagkaalam ng Embahada, ang papel na tinatawag na “UN Visa” ay hindi totoong visa. Ito ay isang papel lamang na binibigay ng Ministry of Interior ng Israel para sa mga aplikante ng “refugee status” dito sa Israel. Ang papel na ito ay may nakatatak na mga salitang “conditional release” na ang ibig sabihin ay ang aplikante ay pansamantalang pwedeng manatili sa Israel habang ang kanyang aplikasyon ay pinoproseso. Ang nagpapasya kung tatanggapin ang aplikasyon ng isang tao at aaprubahan ito ay ang Ministry of Interior lamang. Ang pag-apply po nito ay isa ring uri ng pagsuko sa gobyerno ng Israel.
Ang pagbigay ng visa sa lahat ng mga banyaga sa Israel ay sang-ayon po sa batas ng bansang Israel. Tanging ang gobyerno ng Israel lamang ang maaring magbigay at mag-desisyon tungkol sa visa. Ito ay panloob na patakaran ng gobyerno ng Israel at wala pong sinuman ang maaring makialam, mag-impluwensya or mag-dikta sa gobyerno ng Israel sa bagay na ito.
Samakatuwid, hindi pwedeng panghimasukan, pakialaman, diktahan o impluwensyahan ng Embahada ng Pilipinas at mga kawani nito ang tungkol sa pagbigay ng visa. Hindi saklaw ng mandato o misyon ng Embahada ng Pilipinas at mga kawani nito ang mga bagay tungkol sa pagbibigay o pagpapahinto ng pagbigay ng visa sa sinumang Pilipino sa Israel.
Tel Aviv, 11 January 2011