MENU

2 bla signing

(Nasa larawan: Si Pangulong Rodrigo R. Duterte ng Pilipinas at Prime Minister Benjamin Netanyahu ng Israel ay sumaksi sa makasaysayang pagpirma ng Kasunduan sa Paggawa ng dalawang bansa o Bilateral Labor Agreement para sa mga Caregivers nina Kalihim Silvestre Bello III ng DOLE at Israeli Interior Minister Aryeh Machluf Deri noong ika-03 ng Setyembre 2018 sa tanggapan ng Prime Minister)  

 

1. Ano ang Kasunduan sa Paggawa ng Pilipinas at Israel o Bilateral Labor Agreement (BLA)?

Ito ang Kasunduan sa Pansamantalang Pagtrabaho ng mga Pilipinong tagapag-alaga (caregivers) sa pagitan ng Pamahalaan ng Republika ng Pilipinas at ng Pamahalaan ng Estado ng Israel na pinirmahan noong ika-03 ng Setyembre 2018 sa Israel sa pagitan ni Kalihim Silvestre Bello III ng Kagawaran ng Paggawa at Pagtatrabaho (DOLE) at Israeli Interior Minister na si Aryeh Machluf Deri.

2. Kailan maipatutupad ang BLA?

Hindi pa agarang maipatutupad ang BLA bagaman napirmahan na ito.
Magkakabisa lamang ang kasunduan pagkatapos ng pagpapatibay at pagkumpleto ng lahat ng mga legal na panloob na pamamaraan ng dalawang bansa. Malamang, ang BLA ay magsisimula lamang sa susunod na taon o sa 2019.

3. Anu-ano ang mga mahalagang bahagi ng BLA?

• Pinahusay ng Kasunduan ang mga sistema at proseso sa recruitment ng mga Pilipinong caregiver papuntang Israel sa pamamagitan ng kaayusang “pamahalaan sa pamahalaan” o “government-to-government” . Ang Protocol ng Pagpapatupad sa Kasunduang ito, na pinirmahan din kasabay ng BLA, ay magtatakda ng mga pamamaraan para sa pagtatrabaho ng mga Pilipinong caregiver.

• Ang mga private recruitment agencies ay walang anumang papel na gagampanan sa proseso ng recruitment sa Pilipinas.

• Tinatanggal nito ang pagsingil ng mga iligal na bayad mula sa mga caregiver sa buong proseso ng recruitment.

4. Ano ang mga kaukulang katungkulan ng mga namamahalang opisina ng bawat pamahalaan sa pagpapatupad ng Kasunduan?

Ang DOLE, sa pamamagitan ng POEA, at ang Ministry of Interior ng Israel, sa pamamagitan ng Population, Immigration at Border Authority (PIBA), ay ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno sa bawat bansa na responsable sa pagpapatupad ng Kasunduan.

5. Anu-ano ang mga tungkulin ng POEA at PIBA?

Ang POEA, sa pakikipagtulungan sa mga kaugnay na institusyon ng Pilipinas, ay titiyakin ang mga sumusunod:

• Mag-recruit at mag-deploy ng mga caregiver na hawak ang naaangkop na sertipikasyon ng TESDA, at nagtataglay ng mga kwalipikasyon at kasanayan na walang mga mapanirang rekord.
• Ang POEA ay magbibigay ng oryentasyon o seminar sa mga manggagawa sa mga tuntunin ng kontrata, at ang mga may-katuturang batas sa dalawang bansa bago mag-deploy.
• I-verify ang identity ng mga napiling caregiver, at hilingin sa kanila na sundin ang mga batas at kaugalian ng Israel habang naninirahan doon.

Ang PIBA, sa pakikipagtulungan sa mga inuukulang institusyon ng Israel, ay titiyakin ang mga sumusunod:

• Na ang job offer na ibinibigay sa POEA ay naaayon sa mga batas at pamamaraan ng Israel. Protektahan ng PIBA ang mga karapatan ng mga caregiver sa Israel sa ilalim ng mga kaugnay na batas at regulasyon ng Israel, kabilang ang kanilang mga kondisyon sa pamumuhay at pagtatrabaho.
• Na hindi ibababa ng mga employers ang anumang halaga mula sa suweldo ng caregivers bukod sa nararapat na kontribusyon na nakatakda sa batas.
• Agad na magpa-uwi sa Pilipinas ng mga caregivers pagkatapos ng kanilang kontrata at kung may emergency, pati na rin ang pagpapadala ng mga labi ng namatay, pagpapadala ng hindi-ibinayad na suweldo, pension pondo, at iba pang benepisyo sa kanilang mga tagapagmana sa Pilipinas.

6. Sa ilalim ng Kasunduan, anu-ano ang mga kinakailangan upang maging karapat-dapat bilang caregiver sa Israel?

• Dapat na isang mamamayang Pilipino.
• Hindi bababa sa 23 taong gulang.
• Hindi bababa sa 1.5 metro ang taas (4 '11 ") at timbangin nang hindi bababa sa 45 kg. (99 lbs.)
• Pinagkalooban ng hindi bababa sa 760 oras na angkop na pagsasanay, nakapasa sa mga eksaminasyon, at natanggap ang TESDA certification bilang mga caregiver na karapat-dapat para sa pagpasok sa ibang bansa, o nagtapos ng isang apat na taong kurso ng Nursing o Physical Therapy mula sa isang paaralan na inaprobahan ng Pamahalaan ng Pilipinas.
• Magkaroon ng kasanayan sa wikang Ingles para madaling makipag-ugnayan sa mga ahensya ng Israel.
• Matagumpay na nakumpleto ang hindi bababa sa 12 taong pag-aaral.
• Walang nakaraang trabaho sa Israel.
• Walang mga magulang, asawa o mga anak na kasalukuyang nagtatrabaho o naninirahan sa Israel.
• Sa pisikal at mental na kalusugan, walang nararamdamang mga sakit o malalang kondisyong medikal kabilang ang (ngunit hindi limitado sa) tuberculosis, hepatitis, syphilis, gonorea, at AIDS; at kaya ang mahirap na trabaho sa Israel.
• National Bureau of Investigation (NBI) clearance mula sa Pilipinas.

7. Ano ang mangyayari pagkatapos ng pagtutupad ng BLA?

Ang dalawang bansa ay magtatatag ng Joint Committee 15 araw pagkatapos ng pagpapatibay ng Kasunduan upang magbalangkas ng karaniwang kontrata sa trabaho o Standard Employment Contract , suriin ang Kasunduan, lutasin ang mga pagtatalo na nagmumula sa interpretasyon at pagpapatupad ng Kasunduan, ipanukala ang anumang susog, at magpasya ang petsa at lugar ng mga pulong sa pamamagitan ng diplomatikong pamamaraan.