JERUSALEM, IKA-24 NG HUNYO 2022 – Matagumpay na nagsagawa ang Embahada ng Pilipinas sa Israel ng Consulate on Wheels Outreach Program sa Holy Rosary Sisters Convent noong ika-24 ng Hunyo 2022. Ang Outreach ay naglalayong higit pang mailiapit ang serbisyo ng Embahada sa mga kababayang Pilipino na naninirahan sa Jerusalem at mga karatig pook. “Nagagalak po kaming makabalik ulit dito sa Jerusalem para makapiling at maihatid ang serbisyo ng Embahada sa ating mga kababayan na pumarito ngayon. Nagpapasalamat din po kami sa mga asosasyon ng mga Pilipino sa Jerusalem na nakipag-ugnayan sa ating Talakayan,” ika ni Consul General Reichel P. Quinones, na namuno sa Outreach. 126 na kliyente ang napaglingkuran sa Outreach: kabilang dito ang 25 na nakapag-renew ng pasaporte, 4 na nakapagrehistro ng kanilang mga anak (Report of Birth), 27 na nakakuha ng mga legal na dokumento (Special Power of Attorney, Affidavit, Acknowledgement, Certification), at 2 na nakapag-apply ng NBI Clearance. 6 na kababayang manggagawa din ang na-isyuhan ng Overseas Employment Certificate, 33 ang nakapagpatala sa OWWA, 24 ang nakapagbayad o nakapag-verify ng kanilang record sa SSS, at 6 ang nakatanggap pinansyal na tulong matapos gumaling mula sa COVID-19. Nabigyang pagkakataon din ang ilang kababayan na makapaghulog sa PAG-IBIG sa tulong ng mga kinatawan ng i-Remit. Idinaos din ang Talakayan kasama ang mga opisyal ng iba’t ibang Filipino Community (FilCom) organizations sa Jerusalem. Sa nasabing meeting, ipinakilala ang mga bagong kawani ng Embahada: sina Third Secretary at Vice Consul Teri Adolf C. Bautista, na namumuno sa Economic and Cultural Section ng Embahada, si at Ms. Vanessa Mae Madera, ang bagong Cultural Attaché at tagapag-ugnay ng Embahada sa Filipino Community. Pinag-usapan din sa pulong ang mga pagbabago sa pagsagawa ng outreach programs at mga panukala para lalo pang mapainam ang pagbibigay serbisyo ng Embahada. Napag-sangayunan ng lahat na makakaiwas sa mahabang paghihintay at lalong mapapadali ang pag-issue ng OEC kung ang aplikante ay gagamit ng online application sa halip na pupunta sa Embahada at doon pa lamang magpaparehistro. Tinatayang 5 minuto mahigit lamang ang pagpoproseso ng mga pre-registered na OEC applicants kung ihahambing sa maghapong pag-aabang ng mga hindi gumamit ng online application. Ito na ang pangalawang Outreach ng Embahada sa Jerusalem at may isang pang nakatakda bago matapos ang taon. Pinaplano na rin ng Embahada ang susunod na Outreach na gaganapin naman sa Nazareth sa darating na Agosto. Inaanyayahan ang mga nais dumulog sa mga susunod na mga outreach na umantabay sa anunsyo ng schedule sa Facebook page ng Embahada sa http://www.facebook.com/PHinIsrael. WAKAS
- Details
- Category: Embassy News